#COSMO69

Friday, March 5, 2010

1 Corinto


Nang buksan ko ang Biblia, tinangay ako kay Pablo,

Sa unang sulat n’ya sa mga taga-Corinto;

Pansin ko’y natuon sa ika-labintatlong kapitulo,

Anupa’t pag-ibig ang tinatalakay dito.


Maliwanag na nakasaad sa ika-anim na bersikulo,

Ikinagagalak ng pag-ibig kung ano ang totoo;

Ngunit paano ko ikagagalak ang katotohanan

Kung ang laman ng kanyang puso’y ‘di ko pangalan?


Nagtitiyaga hanggang wakas, ganyan daw ang pag-ibig,

Mga salitang puno ng puso, ‘di masabi ng bibig;

Hanggang kailan maghihintay? Ako’y naliligalig!

Dama kong ‘di para sa’kin ang alay n’yang tinig.


Kinakailangan bang sa kanya’y aking ipaalam

Na sa gabing puno ng luha, yakap n’ya ang asam?

Kinakailangan bang sa kanya’y aking iparamdam

Na kahit kaunting sandali’y kanyang ipahiram?


Sa tuwing nagtatagpo ang aming mga mata,

Mapagkunwaring ngiti aking ipinapakita;

Ngiting kumukubli sa selos na nadarama,

Lalo na ang irog ko’y may kaakbay na iba.


Ang pag-ibig kong buo ay kanyang napagtanto,

Ngunit ang ‘di n’ya pagtanggap ang idinulot nito;

Kabiguang dulot n’ya’y iniyakan ko nang husto,

Ngunit bakit ganito? Tila hindi natututo!


May mga oras sa buhay kong aking naisip,

Ang ‘di s’ya makilala ay s’ya sanang sasagip;

Ngunit nang s’ya’y dumating, mata ko’y sumilip,

Ganap na nabuksan, lumalayo sa takip.


Ang s’ya’y mahalin ay isa n’yang patibong,

Patibong na kung saan ako’y kusang tumalon;

Ako’y kanyang pinapaahon, ‘yan ang alay n’yang tulong,

Ngunit buong puso’t kaluluwa ko’y ayaw nang bumangon.


Sarhan n’ya man ang pinto ng kanyang pusong ginto,

Ang susi ay nasa kamay ko, ako’y hindi hihinto;

Sugatan n’ya man nang kusa ang bigo kong puso,

Ito’y hihilom nang mabilis na para lang napaso.


Sa laban kong ito, karapatan ko’y magmahal,

Batas ng kalupitan ay ‘di dapat umiral;

Magandang kahihinatnan, aking ipagdarasal,

Iibig nang totoo at magpupulot ng aral.


Sa mga sandaling hindi ko masabi ang hinanakit,

Sa mga panahong ang pagtikim ko’y umaapaw sa pait,

Sa mga oras na mas marami ang hindi mababait,

Ako’y magpapakumbaba at itatago ang sakit.


“Mahal kita, iniibig ko ang buo mong pagkatao,

Hanggang sa huling hininga, ‘yan ang aking pangako;

At sa muli kong pagkabuhay, nasa puti man o impyerno,

Ang muli kang ibigin ay s’yang unang gagawin ko.


Katotohanan man sa’yo ang hindi ako ibigin,

Ang pagmamahal kong alay, iyo sanang damhin;

Ang nadaramang ito’y bigyan sana ng pansin,

Pati ang kabutihan at kagandahan nitong angkin.”


Oras ay lumilipas nang napakabilis,

Ang pag-ibig sa kanya’y hindi ko maalis;

May pagkakataon kayang ako’y mamahalin,

Kung panahon ay tila tumatakbo nang matulin?


Ilang kaibigan ko ang sa aki’y nagpayo,

Pag-ibig sa kanya’y ibaling sa ibang tao;

Ako’y nasasaktan, kailangan nang matuto,

Ang pagsinta kong bigo, kanilang iniinsulto.


Bakit ba hindi nila tanggap ang totoo?

Ang pagkitil sa pag-ibig ay isang proseso;

Hirap akong tunawin ang nadarama ng puso,

Pag-ibig at pag-asa ay hindi ko isusuko.


Aking titiisin ang dulot n’yang kabiguan,

Aking susuungin pagsintang ‘di mawakasan;

Ang pag-asang namamayani, aking sasandalan,

Ang poot na nadarama’y aking tutuldukan.


Ganyan nga ang pag-ibig, puno ng pag-asa,

Ilang araw man ang lumipas na ‘di s’ya kasama;

Ngayo’y batid kong sa pagkakalugmok aahon,

Oras man ay tila hindi sumasang-ayon.


At habang s’ya’y tanaw kong masaya sa iba,

Hindi ko ikatutuwa ang gawang masama;

Bagkus s’ya ay patuloy ko ngang iibigin,

Hindi ko isusuko ang mapusong mithiin.


Sinasabing ang pag-ibig ay ‘di makasarili,

Kaya naman ako’y ‘di mag-aatubili;

Ako’y maghihintay hanggang pinto ko’y katukin,

At sabihin n’ya sa aking “Ako’y muli mong mahalin.”

1 Feedback:

Anonymous said...

Para kay Robby na naman. :)

Post a Comment