#COSMO69

Friday, April 16, 2010

0 Tandang Pananong


MINSAN kailangan mong mag-reality check.

Kung minsan kasi bigla mo na lang mamamalayang unti-unti ka na palang nalulunod sa inakala mong totoong mundo.

Kung minsan bigla mo na lang mamamalayang marami na pala ang dumating. Ang mas masaklap pa, mas marami pala ang umalis at ang pinakamasaklap, hindi mo alam kung pa’no sila maibabalik.

Bakit gano’n? Bakit napakabilis lamunin ng isang malungkot na pangyayari ang isang buwan mong puno ng kasiyahan? Kung iisipin, hindi naman maaaring matakpan ng isang saglit na kaligayahan ang mga panahong lugmok ka sa kalungkutan at panghihinayang.

Bakit gano’n? Bakit mas madaling magpasaya ng ibang tao kaysa magpasaya ng sarili mong kaluluwa?

Bakit kailangan pang isiping hindi balanse ang mundo kung mismong ang kaisipang hindi ito balanse ay ang s’ya ring nagpapabalanse ng lahat?

Kung minsan iisipin mo kung gaano ka kagalit sa mga taong maraming drama sa buhay. Pero galit ka nga ba talaga o inggit ka lang kasi nailalabas nila ang kanilang mga nararamdaman?

Bakit kailangan mo pang magalit para lamang magawa ang mga bagay na hindi mo kayang maisakatuparan sa mga panahong mahinahon ka?

Bakit kailangan mo pang paiyakin ang isang bata para lamang masabi mong kahit papa’no, mas magaling ka sa iba?

Bakit nagagalit ka sa isang tao sa tuwing nakikita mo ang sarili mo sa kanya? Ba’t ‘di ka na lang magalit sa sarili mo?

Bakit kailangan mo pang ipagmayabang ang mga bagay-bagay kung alam mo naman na alam nilang nagmamayabang ka lang?

Bakit kailangang manggaya? Bakit hindi maiwasan ang pangongopya?

Kung minsan iisipin mong sana hindi ka na lang gano’n kagaling at katalino sa paningin nila para hindi ka nila asahang gawin ang mga bagay na mas madaling sabihin kaysa gawin.

Sana matutunan mong lumipad para takasan ang mga katotohanan sa mundong ito na napakahirap harapin at tanggapin.

Kung minsan kasi mahirap kumbinsihin ang sarili mong magpakapositibo lalo na’t alam mong palagi na lang negatibo ang kinalalabasan.

Bakit gano’n? Bakit napakadaling maging mahinahon? Bakit madaling mapawi ang kalungkutan lalo na kung ang ugat ng hindi pagkakaunawan ay napakababaw?

Bakit ba kahit gusto mong manatili sa dilim, may maliit pa ring liwanag na kaya mong matanaw?

Bakit nagbabago ang emosyon? Para kang bata—iiyak nang napakalakas tapos kendi lang pala ang katapat.

Bakit tanong ka pa nang tanong kung alam mo lang naman ang sagot?

Bakit sagot ka pa nang sagot kung hindi ka naman tinatanong?

Malungkot ako ngayon. Galit. Pero bakit ko pa kailangang sabihin kung alam ko namang may napakalaking “So what?” na nakapaskil sa harapan ko?

Bakit may mga tanong na tila walang sagot?

Bakit napakahirap maging babae lalo na kung alam mong may malaking pagkakaiba ang Palagi na lang akong pinagpapalit NG mga lalake at Palagi na lang akong pinagpapalit SA lalake?

Bakit napakahirap maging lalake lalo na kung ang gusto mo ay kapwa mo rin lalake?

Nagtatanong lang.




Follow twistandtweets on TwitterFollow ralphabet on Twitter

0 Feedback:

Post a Comment