#COSMO69

Thursday, May 13, 2010

0 Tandang Pananong 2: Bakit na Naman


HETO NA NAMAN AKO.

“Time flies when you’re having fun.” Bakit kaya? Pero kapag may hinihintay ka, para kang sorbetes na unti-unting natutunaw, papatak sa lupa at hindi na pwedeng pakinabangan. Bakit ang bagal-bagal ng oras kapag may hinihintay kang pagdating?

Bakit mas madaling magpakatotoo sa harap ng ibang tao kaysa sa mismong loob ng bahay? Ang nakakatawa pa, alam mo sa sarili mong mas kilala ka ng

mga kaibigan mo kaysa ng mismong mga kadugo mo.

Bakit natin inaayawan ang mga bagay na bumubuo sa ating pagkatao? Pero lahat ginagawa natin para makuha ang mga bagay na iniisip nating sa’ti’y ipinagkait. Bakit ang hirap makuntento sa buhay?

Bakit patay-sindi ang ilaw? Bakit may mga bagay na hinahayaan nating patay-sindi? Bakit kailangang magtiis kung kaya namang mamuhunan ng sapat na sipag at inspirasyon para masolusyunan ang mga problemang nagpapakunot sa ating mga noo?

BAKIT MASARAP ANG BAWAL? Bakit ka pa gagawa ng isang bagay na alam mong pagsisisihan mo lang naman sa bandang huli? Bakit ka magagalit sa lipunan kapag sinisi ka na nito sa pagiging sangkot mo sa isang bagay na alam mong sa simula pa lang ay pwede mo namang maiwasan? Mapusok ka. Padalos-dalos. Bakit ka kailangang kaawaan?

Bakit ang sarap ng pakiramdam kapag buhay ng ibang tao ang pinag-uusapan? Pero kapag sariling mantsa na ng iyong pagkatao ang pinuna, para kang sinaksak ng megaphone sa lalamunan! Magagalit. Sisigaw. “Bakit n’yo ako pinapakialaman?” Tapos biglang may sasagot sa’yo ng “Para patas. Pakialamera ka rin kasi!”

Bakit mas madaling magpautang kaysa maningil ng utang? Bakit may mga taong hindi marunong tumanaw ng utang na loob?

Bakit pipilitin mo ang sarili mong ipagluksa ang una mong pag-ibig kung alam mo sa sarili mong hindi naman ito namayapa at hindi kailanman mawawala? “First love never dies.” Bakit kaya?

Bakit posibleng magmahal ng higit pa sa isa?

Ang sarap ng pakiramdam kapag nagbibingi-bingihan. Ang sarap isiping kaya mong humarap sa kanila nang nakangiti. Pero bakit ka pa magpapanggap kung alam mo namang mas pinabibigat mo lang ang mga pinapasan mong hinanakit sa mapanghusga mong mundo?

Ang sarap humalakhak; yung tipong bigla mo na lang mamamalayang umiiyak ka na pala sa sobrang tawa.

Bakit ang hirap mawalay sa isang bagay na sa simula pa lang ay ginusto mo nang matapos agad? Bakit kailangang masakit at malungkot ang katapusan? Sana teleserye na lang ang buhay kung saan kadalasang may “happy ending.” Pero kung minsan, kahit bumait na ang kontrabida, namamatay pa rin ang bida. Nakakalungkot isiping hindi nito sinasalamin ang mundong kaharap ko ngayon—maraming bida ang namamatay at mas humahaba ang buntot ng mga kontrabida.

Bakit may mga bagay na kapag nawala na, saka lang natin napagtatanto ang tunay na kahalagahan? Bakit kailangan pang dumating ang araw na kulang na lang ay mabaliw ka sa panghihinayang sa isang bagay na bigla na lang sa’yo binawi?

Ang buhay daw ay parang gulong—kung minsan nasa ibabaw; minsan nasa ilalim. Pero ang totoo, ang buhay ay parang gulong na hindi mo alam kung kailan iikot. Kung minsan, nawawalan ka na ng pag-asa. Pero kadalasan, hindi mo alam na sa mga kamay mo lang naman pala nakasalalay ang pag-andar ng sarili mong gulong; ikaw rin ang magpapaikot ng sarili mong kapalaran.

Sa gitna ng napakabilis at napakaingay na mundo, hiling nating lahat ang kahit kaunting oras ng kapayapaan. Pero bakit pa tayo maghahangad ng “peace of mind” kung alam naman nating mas maingay sa gitna ng katahimikan? Kung kailan naging mapayapa ang kapaligiran, saka naman pinuputakti ang isipan mo ng mga problemang hindi mo maiwasan. Ang ingay ay hindi tinatakasan; ito ay pinapatahimik.

Maraming mga bagay sa mundo ang mas napapadali kapag idinadaan sa tanong. Mga katanungan ang madalas nagmumulat sa atin sa kung ano ang totoo. May mga pagkakataon ding ang katanungan ay ang nagiging kasagutan.

Bakit mo pa ipagsisigawan ang iyong mapagmalaking deklarasyon kung alam mo namang ito rin ang hihila sa’yo pababa? Kung minsan, kailangan mong malamang may mga pangungusap na nagtatapos sa tandang pananong na mas makapangyarihan kaysa sa mga pangungusap na nagtatapos sa tuldok.

Bakit ganito? Bakit gano’n? Bakit ganyan? Bakit?

Nagtatanong lang.


*Click here for Tandang Pananong 1.

Follow twistandtweets on TwitterFollow ralphabet on Twitter

0 Feedback:

Post a Comment