#COSMO69

Monday, July 25, 2011

0 Sona 2011: The Highlights

Tulad ng inaasahan, sumentro ang pangalawang State of the Nation Address (Sona) ni pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III sa pagtalakay ng mga proyektong ipinangako, natapos at isinasakatuparan na ng kanyang administrasyon. Ilan dito ang paglikha ng 1,400,000 trabaho, at ang pag-aahon ng mahigit isandaang libong pamilya mula sa kahirapan kada buwan.
Isa rin sa mga mahahalagang bagay na kanyang nabanggit ay ang paglilinis ng gobyerno at pag-alis sa mga “utak wang-wang”. “Paniwala natin dati, imposibleng maitama ng [Department of Public Works and Highways] ang sistema nila. Hindi lang po ito posible. Sa unang taon pa lamang, ginagawa na natin ito.”

2012 budget
Sa kanyang pangalawang Sona rin sinabi ni PNoy na kanya nang ihahain sa lehislatura bukas, ika-26 ng Hunyo, ang national budget para sa susunod na taon.

West Philippine Sea
Sa usapin ng pagmamay-ari ng ilang bahagi ng Spratlys, nangako ang pangulo na “ang sa Pilipinas ay sa Pilipinas."
“Pinag-aaralan na rin po natin ang pag-angat ng kaso sa West Philippine Sea sa International Tribunal for the Law of the Sea upang masigurong sa mga susunod na pagkakataon ay hinahon at pagtitimpi ang maghahari tuwing may alitan sa teritoryo.”

Lehislatura
Ipinaabot ni PNoy ang kanyang pasasalamat sa Kongreso para sa pagpasa ng ilang mga batas. “Malaki ang pasasalamat ko sa Kongreso sa pagpapasa ng mga batas ukol sa GOCC Governance, ARMM Synchronization, Lifeline Electricity Rates Extension, Joint Congressional Power Commission Extension, Children and Infants’ Mandatory Immunization, at Women Night Workers.”

Administrasyong Arroyo
Ilang beses nang binatikos ang pamahalaang Aquino dahil sa walang humpay nitong pagpapasaring sa nakaraang administrasyon. Paniwala ng ilan, hindi umuusad ang ekonomiya ng bansa dahil sa pagtuon ng gobyerno ng napakalaking atensyon sa paglilinis ng mga kalat na iniwan ng nakaraan administrasyon. Tila may sagot naman dito si PNoy.
“May mga nagsasabing pinepersonal ko raw ho ang paghahabol sa mga tiwali. Totoo po: Personal talaga sa akin ang paggawa ng tama . . . Ang pagpapanagot sa mga gumagawa ng mali sino man sila. At hindi lamang dapat ako namemersonal sa usaping ito. Personal dapat ito sa ating lahat, dahil bawat Pilipino ay biktima nito.
Ang mali, gaano katagal man ito nanatili, ay mali pa rin. Hindi pwedeng ‘oks lang,’ hindi pwedeng ‘wala lang iyan.’ Kapag kinalimutan natin ang mga ito, mangyayari lang ulit ang mga kamalian ng nakaraan. Kung hindi magbabayad ang mga nagkasala, parang tayo na rin mismo ang nag-imbita sa mga nagbabalak gumawa ng masama na ‘kung pwede, ulitin n’yo ang ginawa n’yo.’”

Pagcor
Masasabi kong nakamit ni PNoy ang pinakamalakas na palakpakan nang kanyang isiniwalat ang katiwaliang nalaman ng kanyang administrasyon patungkol sa bilyun-bilyong pisong nagastos ng Philippine Amusement and Gaming Corporation sa ilalim ng administrasyong Arroyo para lamang sa kape!
“Isang bilyong piso po ang ginastos ng dating pamunuan ng ahensya para sa kape. Sa isandaang piso na lang po kada tasa, lalabas na nakakonsumo sila ng sampung milyong tasa ng kape. Baka po kahit ngayong iba na ang pamunuan ng Pagcor . . . baka po dilat na dilat pa rin ang mata ng mga uminom ng kapeng ito.”

Conchita Carpio-Morales
Tuluyan nang tinuldukan ni PNoy ang mga haka-haka, at pormal nang inanunsyo si dating Supreme Court Justice Conchita Carpio-Morales bilang bagong Ombudsman. “Pagpasok ng bagong Ombudsman na si dating Supreme Court Justice Conchita Carpio-Morales, magkakaroon tayo ng tanod-bayan na hindi magiging tanod-bayad ng mga nagwawang-wang sa pamahalaan.”

Simbahan
Nagkaroon ng lamat ang relasyon ni PNoy sa Simbahang Katolika dahil sa kanyang tahasang pagsang-ayon sa reproductive health bill. Ngunit sa kanyang Sona kanina, inihayag ng pangulo ang kanyang pasasalamat sa mga pari at Obispo, at nanindigan para sa matibay na ugnayan ng estado at ng simbahan.
“Salamat po sa mga pari at obispo na masinsinang nakikipagdiyalogo sa atin, katulad nina Cardinal Rosales at Vidal. ‘Di naman po kami ganoong kalapit ni Cardinal Rosales, pero [naniniwala] akong ibinuhos n’ya ang lahat para mabawasan ang hindi pinagkakaunawaan ng gobyerno at simbahan.”

“Salamat po”
Bilang pagtatapos, hinikayat ng pangulong ang mga Pilipino na itigil na ang pagiging “utak-alimango,” at magpasalamat sa tuwing may nakikitang kabutihan.
“Kaya po, sa sambayanang Pilipino, ang aking Boss, na nagtimon sa atin tungo sa araw na ito: maraming, maraming salamat po sa pagbabagong tinatamasa natin ngayon.
Buhay na buhay na ang Pilipinas at ang Pilipino. Magandang hapon po.

Related Post:

Updated Sona 2011 Transcript

0 Feedback:

Post a Comment