"Dahil and lumang daang pilit kong nilalayuan ay ang natatanging daan kung saan hindi ako magsasawang lumingon."
DUMATING ako sa puntong kinailangan
kong isakripisyo ang pagkakaibigan para ipaalam sa kanyang higit pa sa pagiging
ka-yosi, ka-tsismisan o kasama during boy hunting ang papel na gusto kong gampanan.
Sa bilis kasi ng takbo ng oras, may mga bagay na hindi na dapat pinapaghintay
pa. Naniniwala kasi akong ang pag-ibig na hindi kusang dumadating ay kailangang
hanapin.
Pero may mga bagay na hindi
kailanman maaaring ipilit. Masakit mang tanggapin pero may mga bagay na sadyang
hindi “muna” maaaring mangyari sa mundong kasalukuyan mong ginagalawan. May mga
bagay na ipapamukha sa’yo na higit pa sa masarap at mainit na nilaga ang maaari
mong makuha kapag may tiyaga kang maghintay para sa pag-ibig na inilaan sa’yo
ng tadhana.
Sinubukan kong ipagpatuloy at
pagtagumpayan ang laban ng buhay kung saan ang tuntunin ay ang araw-araw na
pag-iwas sa anumang bagay na mag-uudyok sa’kin para ipahayag ang aking nararamdaman.
Hindi ko inasahang posible pa rin naming mapanatili ang aming pagkakaibigan.
Hindi ko inasahang sa pagpapatuloy ng aming samahan ay makukuha kong subukang
buksan muli ang aking puso para bigyang-daan ang isang bagong pag-ibig.
Sa pagdating ng bagong inspirasyon,
naranasan kong muling maging masaya. Naranasan kong makuntento. Naranasan kong
muling mangarap. Isang bagong pag-ibig na ipinakita sa’kin ang kahalagahan ng
pagkakaroon ng bukas na pananaw, disiplina sa sarili at respeto para sa ibang
tao. Isang bagong pag-ibig na hindi perpekto ngunit walang hinihinging kapalit.
Sa kabila ng panibagong oportunidad
na maging maligaya at ngumiti habang nakatingin sa kawalan, hindi ko
napaghandaan ang araw kung saan mararamdaman kong ang unang bugso ng
kaligayahan ay mayroong hangganan. Ang pagiging kuntento ay hindi
pangmatagalan. Ang pag-asam sa isang bagay na walang ipinapakitang maliwanag na
kasiguraduhan ay hindi kailanman magdadala ng panatag na kalooban. Hindi ko
agad nawaring mahihirapan akong panatilihing maayos ang daloy ng isang kumplikadong
relasyon kung saan habang nasa ilalim ako ng makapangyarihang araw, ang taong
pilit kong sinusubukang bigyan ng buong pansin ay nasa ilalim naman ng buwan.
Hindi ko maiwasang magtanong. Wala
raw mahirap para sa taong nagmamahal pero bakit ako napapagod na ipagpatuloy
ang pagtahak patungo sa isang bagong landas, papalayo sa lumang daang pinili
kong talikuran? Narating ko ang isang simpleng kasagutan. Dahil ang lumang daang
pilit kong nilalayuan ay ang natatanging daan kung saan hindi ako magsasawang
lumingon.
At ngayon, handa na akong bumalik.
Muli akong sasabak sa isang laban
kung saan ang mga sugat na maaari kong makuha ay magsisilbing paalala na minsan
sa buhay namin ay sinubukan ko s'yang ipaglaban. Naniniwala akong mas katanggap-tanggap
na harapin ang hapdi ng sugat na dala ng isang pag-ibig na hindi nasusuklian
kaysa umatras para ito'y paghilumin.
Ang umasa sa pagmamahal ng isang
taong hindi ka kayang mahalin ay parang pamimingwit sa lawang wala namang isda.
Pero sa labang ito, ako mismo ang maglalagay ng mga isda upang sa muli kong pagbalik,
mas malaki ang pagkakataon kong makarami ng huli.
Minsan darating tayo sa punto kung
saan mas mangingibabaw kung pa'no natin tingnan ang ating mga sarili kaysa sa
sasabihin ng ibang tao. But when it comes to unrequited love, the person who
cannot reciprocate what you feel has the power to make you realize why you are
being found wanting.
If there's one good thing about
unrequited love, it would be the fact that it presents itself as an option for
you to be a better person. It allows you to see your flaws, and gives you a
chance to correct them.
Hindi s'ya ang una kong pag-ibig
pero s'ya ang tipo ng pag-ibig na masarap balik-balikan. Isa s'yang kwentong
pambatang dadalhin ko hanggang sa aking pagtanda. Isa s'yang tula na hindi ko
pagsasawaang bigkasin kahit may mga salitang hindi magkasing-tunog. He
acknowledges his imperfections, and that's what makes him perfect.
Mahal na mahal ko s'ya at hinding
hindi ako mapapagod na hintayin ang araw na kusa s'yang papasok sa pintuan ng
aking puso na hindi n'ya na kailangan pang katukin dahil matagal nang
nakabukas.
Manila Time




5 Feedback:
Awww...
better to read this without the photos...promise
♥
I feel for you.
hi, ralph! pls e-mail me the english translation. thanks
OMG! I love it! reminds me of my first love. never had him. ='(
Post a Comment